Noon unang panahon, isang malaki, magubat, walang kataotaong pulo ang tahimik nanakahimlay sa sinapupunan ng babaying dagat ng Lingayen Gulf, malapit sa Hundred Islands, Alaminos, Bani, at Bolinao. Noon, ang pulong ito gaya ng nasambit na mga kanugnog bayan ag sakot ng Zambales, Pangasinan na ngayon. Humigit kumulang sa limampu't limang milyang kuadrado ang lawak nito at napapaligiran ng labing tatlong maliliit na pulo rin: ang Siapar (isang barangay na ngayon), Narra, Cangaluyan, Tanduyong, Pannacalan, Alo, Ableng, Manok, Ra-u, Kagteng, Buburwen, Baboy at Katipan. Ito ay tinaguriang Isla de Cabarruyan.
Sa mga pulong ito, lalo na sa Cabarruyan na siyang pinakamalaki at itinuturing na ina, pinaniniwalaang marami ang namumugad na sasamang espiritu, multo at iba pang hindi pangkaraniwang bagay sa mundo. Ang mga tao noon na napapadpad sa mga paligid-ligid nang mga ito ay takot umakyat sa tuktok ng mga ito. Ang mga mangingisda at mangangalakal na nadaratnan ng masasamang panahon sa dagat ay kalimitang dito kumukubli at naghihintay ng magandang simoy ng hangin at sila ang ibang saksi sa mga dimaintindihang pangyayaring nagaganap sa mga pulong ito.
Ngunit noong ika-4 ng Enero 1842, isang naging Kabesa de Barangay ng bayan ng Bolinao ang nakaisip na mangibang lugar na titirhan. Ito ay si Don Andres dela Cruz Cacho na ang palayaw ay Andales a Culayo. Isa siyang matipuno, matapang at may matatag na paninindigan sa paghahanap ng magandang kapalaran sa buhay. Sa ganitong pakikipagsapalaran, uno niyang naitatag ang barangay Culayo. Hindi mapakali sa lugar na ito. Mangibang tulak na naman si Andales a Culayo at sa Isla de Santiago siya pumunta, isang malaking pulo ng Bolinao. Maitatag niya uli ito ang naging barangay.
Habang nagtagal ang paninirahan nila dito, napagmunimuni nila, kasama ang kanyang mga anak, na prang mayroong magandang kapalaran sa mga pulong nakahimlay sa baybaying timog ng Santiago. Naging palaisipan ang mga ito sa kanila lalo na ang pinakamalaking pulo sa gitna ng mga maliliit. Dalawang anak ni Don Andres dela Cruz Cacho ang hindi nakatiis. Tinangka nilang lumapit at umakyat sa malaking isla. Napatunayan nila ang kanilang hakahaka, na sa malaking pulong ito ay mayroong maraming likas na kayamanan. Nagkaroon ng maaliwalas na pag-asa pamilya ni Andales a Culayo.
Noong Mayo 10, 1842, kasama ang mga kaibigang gusto ring humanap ng maganda-gandang kapalaran, tumulak si Don Andales a Culayo patungong timog ng Santiago. Sa kanlurang baybayin ng malaking pulo sila unang lumusad. Maraming ibon ang humuhuni, palipat-lipat sa mga kahuyan marami ring prutas. Ang napuna nilang kaigaigayang pagmasdan ay ang mga ibong dilaw sa na dami nila ay lalong nakatawag pansin ang pag-awit ng mga ito. Ang mga ibong ito sa Bolinao ay "dulaw" at sa English naman ay "Oreole." Pinangalanan agad ang lugar na ito na Dulawan o Dolaoan na ngayon. Mula dito, lumakad sila patungong hilaga at sa isang lugar na may katamtaman ang layo sa Dolaoan, natanto nilang maraming "carot" isang "root crop" ito at maraming laman na iniluluwa sa lupa. Pinangalanan nila itong carot. At gaya sa Dolaoan na may naiwan ng tao para manirahan doon, ilan na rin ang nagkakursunada dito. Mga araw ang lumipas, pawis at hirap man ay nalibot nila ang malaking pulo. Naitatag nila ang Cabungan, Tondol, Sablig, Macaleeng, Toritori, Awile, Mal-ong at Awag, na bawat lugar na ito ay may kanya-kanyang alamat kung bakit ganito ang mga pangalan. Ang ibang lugar o barangay na ngayon ay bumubuo sa 18 barangay ng Cabarruyan o Anda ay wala pa noong kapanahunan ni Don Andales a Culayo.
Lubhang mabilis ang pagdami ng mga tao sa pulong ito, hanggang sa naging barangay ito ng Bolinao. Kaya ang mga tao dito ay sa Bolinao namamalengke, nagsisimba at namimista. Tuwing Mahal na Araw, karamihang mga tao sa pulo ay pumupunta sa Bolinao. Dito nagsimula ang isang suliranin na siya ring nagbunsod para mabigyan ng pangalan ang isla. Mahirap magkatipon-tipon ang mga tao kung sila ay uuwi na. Karamihan sa mga gustong umuwi nang maaga ay nayayamot sa kahihintay sa mga kasama. Noon, karamihan balsa o pinagtataling kawayan ang sinasakyan nila sa dagat. Kaya kailangan samasama. Ang nangyari nga, ang iba ay pagod na sa paghahanap ng mga kasama at ang iba ay pagod na rin sa kahihintay. Isa sa kanila ang nakaisip na kailangang magkaroon ng paraan para mabatid ng lahat kung pauwina ang grupo.
Napag-usapan nila sa isang lilim ng kahoy na sa oras ng pag-uwi, isa sa mga lalaki ang bubulyaw ng malakas at sasabihin ang "O, Cabarriowan!" Ito ay "barriomates." Itinuwid nila ang "Cabariowan" at naging "Cabarruyan." Nakagawian na ring ng mga tao sa Bolinao na tuwing makikita ang mga taong galing sa malaking isla, saad nila "O, taga Cabarrugan yain."
Mula sa taon 1842, dumami nang dumami ang mga naninirahan sa Cabarruyan. Kaya noon Enero 1849, si Don Pablo Cacho Valerio, isang barangay Kapitan ng Bolinao, ay gumawa ng petisyon kasama ang dalawa niyang anak, para ito ay gawing isang bayan. Noong Marso 16, 1849, ang petisyon ay inihatid sa Zambalez, kay Alkalde Jose Sanchez Guerrero. Mayo 16 sa taon ng lugar na pagtatayuan ng Poblacion. Napagkasunduan nila na sa kalagitnan ng Cabarruyan ang paglalagyan. Sa lugar na napangalanang "Segat." Dito itinayo ang simbahan, plaza, konbento, sementeryo at iba pa. Hulyo 20, 1851 nang dumating ang mga papeles na nagpapatunay na isang bayan na ang Cabarruyan. Malaking handaan at pagdiriwang ang ginanap noon Hulyo 23-24 ng buwan at taon ding iyon.
Enero 5, 1852 napiling Tenyente Absoluto si Don Domingo Cacho Valerio. Siya ang umisip ng paraan upang mapalitan ng pangalan ang Cabarruyan at nawakasan ito sapangalang "ANDA." Ito ay hango sa pangalan ng isang bantog na Heneral na Kastila si Gobernador Heneral Simon de Anda, dahil siya ay tinagurian noon na Kastilang may pusong Filipino. Nahango din ang ANDA sa palayaw ni Don Andres dela Cruz Cacho na ANDALES A CULAYO. Sa maiksing pagtawag din sa kanya noon ay ANDA. Mula noon, ang CABARRUYAN ay naging ANDA.
Ito ang ANDA. Dahil sa paghahanap ng magandang kapalaran ay natagpuan, walang katao-tao ay natauhan din, may multo sabi nila ngulit kasama palang naging tirahan, maging barangay, naging bayan, naging maunlad at matagumpay na rin. Maraming kasaysayan ngunit ito ang malapit sa katotohanan.